5.09.2007

Paano na Lang Ako Kung Wala Ka?

"Lintek! Napasarap ang umaga mo, male-late ka na..."


Umpisa ng araw mo. Maganda. Naalimpungatan ka ng tililing ng orasan sa ulunan na kama mo. Maaliwalas ang paggising mo, may bahid ng mahimbing na tulog sa iyong mukha. Nagmamalaki ang mga ginintuan duming buong sigla mong inalis na nangingilid sa iyong mga mata. Tumingin ka sa salamin at sasambahin mo ang repleksyong makikita mo. Lilingon ka sa kusina. Makikita mo ang lamesitang iyong kakainan. Nakahanda na ang almusal sa munting mesa. Kapeng umuusok, pan de sal na bagong bili, nilagang itlog. Kinain mo itong lahat. Isang malalim na dighay ang kumawala sa iyong lalamunan, bunsod ng kabusugan mo. Pagkuwa'y nagsipilyo ka, hinahagod ng munting toothbrush ang bawat ngipin mo upang lisanin ang mga tingang naiwan mo. Pagkamumog mo'y kinuha mo ang mouthwash at ito'y minumog din, upang tuluyan maalis lahat ng mikrobyo ng iyong bibig, mula sa mga napanis na laway hanggang sa mga sumiksik na tinga ng pagkain. Titingin ka sa banyo, kinuha ang paboritong towel mula sa aparador at didiretso sa pook-liguan mo. Bahagyang bubuksan ang shower. Maligamgam ang tubig. Hinubad mo ang mga damit at dinama ang init ng pagdaloy ng maligamgam na tubig sa buo mong katawan. Aliw na aliw kang magsabon at magkuskos at magshampoo . Waring isang bagong nilalang ka pagkatapos mong magbanlaw. Tinuyo mo ang sarili ng paborito mong towel at lumabas ng banyo. Handa na lang mga pinalantsa mong damit. Presko at banayad ang pagsusuot mo nga iyong polo, pantalon, medyas, kurbata, sinturon at sapatos. Titingin ka sa mamahalin mong relo. Lintek! Napasarap ang umaga mo, male-late ka na.

Pagtangan ng iyong mga gamit pang-opisina, humahangos kang lumabas at nagkandado ng bahay. Kasagsagan ng panahon ng tag-araw kaya sa pagpatak ng ikaw walo at kalahati ng umaga, napapaso ka na sa init ng araw. Binagtas mo ang kalye mula sa iyong tirahan papunta ng sakayan, bumibilis ang iyong mga hakbang upang mapadali. Dumating ka sa sakayan. Marami pang ibang naghihintay ng sasakyan. Gaya mo, nagmamadali rin sila. Hindi uso ang pila-pila sa sakayan kaya kinakailangang mambalya ka o tumakbo ng mas mabilis upang makuha ng masasakyan. Bigla ka pang sinaway ng mamang naka bughaw na uniporme, "Brod, sa taas lang ang sakayan, bawal po dito." Sumunod ka naman. Nakakita ka ng fx sa taas, tinakbo mo upang makasakay ka, mabilis ka, kasi naunahan mo ang tatlong babae at dalawang lalaki. Pagkakataon mo nang makasakay, pero nang tanuning ang tsuper, "Crossing po ser, ndi po Ayala." Buong yamot mong hinagis ang pinto, na muntik nang ikaipit ng daliri ng sumunod na iyo. Labinlimang minuto kang naghintay ng fx papuntang Ayala, habang painit ng painit ang araw na gumuguhit sa iyong mukha. Sa awa ng kalangitan, isang fx ang pumara sa iyong harap, byaheng Ayala. May bumabang isang matanda, mula sa gitnang bahagi ng fx. Para kang baboy na ndi pinakain na humahangos na nakipag-unahan makasakay. Dahil nga mabilis ka, napagtaumpayan mong makasakay sa fx. Ngunit ang naupuang mong pwesto ay inuupuan ng mga kamag-anakan ng barangay Pugad Baboy. Pagdikit mo sa iyong katabi ay naramdaman mo ang pawis at langis na naghalo sa kanyang balat. Lumingon ka at nakita mong mukhang nakalimutang maligo ng katabi mo. Gusto mo syang bigyang ngaun din nang cotton buds dahil sa kanyang nangingitim na tainga. Gumuguhit sa kanyang liig ang mga banil at pawis na animo'y pagtatamnan ng sibuyas. At sa kasamaang-palad, isang sosyal palang nanay ang nagfx pagkagaling sa palengke, bitbit ang mga isdang pinamili nya, at mga salami at bagoong. Palihim mong isinumpa ang karima-rimarim amoy na nagpupumilit na pumasok sa bagong linis mong ilong. Wari'y tumitigil ang oras sa loob ng fx, kung kailan gusto mong magmadali, lalong bumabagal ang daloy ng trapiko. Pagdating ng Kalayaan, isang lalong malaking disgrasya ang nangyari. Nasira ang aircon ng fx. Nakiusap ang drayber na buksan na lamang ang mga bintana . Masaya ka, dahil kahit papano'y maalis ang karima-rimarim na amoy. Ngunit sadyang mapaglaro sa iyo ang tadhana. Sa maaraw na bahagi ka nakapwesto. Humahalik sa iyong pisngi ang lalo pang mainit na sinag ng araw, dagdagan pa ng mga usok at alikabog na dumidikit sa iyong pawisan at naglalangis na ngayong mukha.

Tumigil ang fx sa harap ng PBCom tower. Bumaba kang magkahalong yamot at pandidiri ang nararamdaman. Ngunit may ngiti kang lihim, dahil maalis mo na ang mga dumi sa iyong braso at mukha na parang isang pulgada na ang kapal. Mabilis kang pumasok ng gusali, dahil tatlong minuto ka nang nahuli. Kinapa mo ang iyong bulsa, kapa ka nang kapa, kapa ka ng kapa...


Yaaaaaahhhhhh! Wala kang dalang panyo!!!!!!


No comments: