5.31.2007

I Can Make it Through the Rain

"Eto ako, basang basa sa ulan..."
"Tanging hiling ko sa yo, na tuwing umuulan..."
"Pumatak nanaman ang ulan sa loob ng bahay..."


“Kuyaaaaa, alas singko na! Mamalengke ka naaa!”

Nagsusumamo ang pinsan ko na ako’y bumangon at tumungo sa talipapa para mamili ng ulam. Kainis! Kung kailan naman maalingsangan ang panahon at masarap matulog sa hapon, tsaka ko pa makakalimutan na ngayon pala ako nakatoka mamalengke. Eh, wala naman ako magawa, kung hindi ako mamamalengke ngayon, walang makakain ang Buena Familia sa gabi (At siguradong sermon nanaman ako sa erpat at ate). Kahit naalimpungatan, pininit kong bumangon. Tumingin ako sa cellphone; 17:00. Pakingshet, alas singko na nga. Pagdating sa kusina, naghilamos ako ng konti at kumuha ng pera sa platera. Nako, yari talaga; pang-tatlong araw na ulam pala bibilhin ko ngayon.

“Kuya, dala ka ng payong, mukhang uulan!”

Aww, sweet naman.

Kumuha ako ng payong na kulay orange sa sabitan. Makulay ang sabitan ng payong namin. Marami kasing payong. Yun nga lang, yung orange lang ang gumagana ng maayos. Yung blue, wag lang mautot si Bathala at humangin, nagiging walis, bumabaliktad. Yung green, dahil medyo makalawang na, hindi na bumubukas. Yung yellow, walang handle. Lintek na mga payong to, dispalinghado na pala, ayaw pa itapon.

Nako, gudlak naman, wala palang bulsa ang short na suot ko, kailangan pala hawakan ko ang pitaka habang naglalakad papuntang palengke. Mukhang nanay! Shempre, more more check muna ako ng mga dala; pera, payong, listahan (o dba?) katawan, anino, kaluluwa, puri (teka baka maiwan). Ayan kumpleto na, pwede na sumugod sa paleng—

Tak, tak, takakakakakakakakakakak!

Ay putik, umuulan na. Shempre, ilabas na ang ga-plangganang binaliktad na payong. O diba, pwede akong magpasukob ng isang barangay sa laki ng payong ko? Hay, rainy days are finally here! Matutuwa nanaman ang mga orchids ko, makakaranas na sa wakas ng paligo. Puro naman kase spray lang ang pandilig ko sa kanila. Ayan, magsawa kayo! At ayun, naglabasan ang mga batang sabik sa ulan, akala mo’y ngayon lang nadampian ng tubig sa katawan at kung maghihiyaw eh pwede nang magcheering squad. Lumabas na ako ng gate at gumagabi na, marami pa akong bibil—

Plak, plak, (flash!) BBBBOOOOOMMMMMMM!

EEEEEEEEKKKKKK!

Oist, ano ba, bawal tumili! Ang mga kapitbahay makarinig, sabihin bakla ka!

Mga limang minuto din ang lalakarin para makarating sa talipapa. Pero mukhang magiging sampung minuto. Kasi naman, madulas ang kalsada. Kelangan paseksi ng konti ang lakad, baka madulas ako, mag-ala Ms. USA sa Miss U sa gitna ng kalsada. (Ahahahaha naalala ko tuloy, ‘Saan children’s party galling ka ning? Nagpaputok ng balloons?’ Wahihihihi). Salamat sa pudpod kong sandals, lalong naging madulas ang basa na ngayong kalsada. Edi pasweet ng konti lumakad. Pero in fairness, masarap ang feeling ang naglalakad sa ulan, sarap magemote. Kase diba, pag may rainy scenes sa mga pelikula, dun yung may mga intense (as in intense) na “I Love You” and kissing scene. And besides, isa sa mga wildest dream ko is a kiss under the rain (sweet diba?). Lakad ka habang kumakanta ng “I’m singing in the rain!” with matching sayaw-sayaw pa na shempre, hindi pwede kung ayaw kong madulas at mapahiya sa gitna ng kalsada. Yun nga lang, bad trip sa baha, lutangan ang mga tubig galling sa kanal. Kadiri!

Halfway na ako papunta sa palengke. Habang naglalakad, minamasdan ko ang paligid. Masaya talaga makakita ng masasayang mga tao habang naliligo sa ulan. From all ages huh? Talagang tinatamasa ang unang ulan ng Mayo. Ung mga batang kahit hubo’t hubad na, ok lang! Yung mag-asawang lolo’t lola na kahit naka kamisa-chino’t daster lang, ayus na! Nakakatuwa rin makita na marami ring taong nakahanda ngayong panahon ng tag-ulan. Gaya nung dalagang galing trabaho, kahit naka skirt at heels ay go, keri nang mag yapak, wag lang mabasa ang shoes (Baka Prada ang shoes ng lukaret, ayaw mabasa!) At kuntodo raincoat ang mamang nagda-drive ng motor. Paparating ang motor. Rumaragasa. Baha. Dumaan sa ha—

SSSSSPPPPLLLLAAAAAASSSSSSHHHHH!!!!

Nag-ala ‘I can feel it’ na pose pa ako. Wa epek. Naligo ako ng tubig baha. Umabot hanggang sa dibdib ko ang talsik. Magkahalong putik, tubig ulan, tubig kanal, tubig poso negro (ay putcha wag naman) ang bumasa sa akin. Wala akong ibang nasabi kundi…

"PUUUUUUUTAAAAAANNNNGGGGG IIIIINNNNNN—"

Plak, plak, (flash!) BBBBOOOOOMMMMMMM!

Okey, okey, hindi na po magmumura!

Wala akong magawa. Nagagalit si Bossing kapag nagmumura ako. Sige pasensya na lang. Maliligo na lang ako pagdating sa bahay. Sige tuloy na lang ako ng lakad. Gusto kong isumpa ang drayber ng motor, swear!

Ayan, nakarating na rin ako sa talipapa. Iba talaga ang talipapang to, you can buy everyting, anything. Agad akong pumunta sa suki kong fish stand at bumili ng isda. Buti na lang at sariwa ang mga isda kasi mukhang mahaderang bilasang bangus ang mukha ng tindera. Tig-kalahating kilo ng dalagang bukid at bisugo ang binili ko, pamprito at pampaksiw. Pagkakilo ng mga isda, sabi ko “Ate, paki-linis naman po ang mga isda.” Aba, ang sagot ng tindera, “Ay, lilinisin pa, manong?”

Manong daaaaaaw!!!!!?????

Eh kung ingudngod ko kaya sa iyo yang mga isdang kinilo mo? Pakingshet na tindera to—

Plak, plak, (flash!) BBBBOOOOOMMMMMMM!

Ay nagalit ulit si Bossing! Kasi naman, mukha ba naman akong manong?!

Pagkatapos maalisan ng hasang at bituka ang isda, binayaran ko na amg tindera. Sabay alis. Nagmukhang batang lansangan ata ako sa dumi ng damit ko, salamat sa talsik ng baha. Hindi pa ako nakakalayo, may tumili sa likod ko. At nakarinig ako ng pumutok. Ayun, natuluan ng ulan galing sa payong ang bumbilya ng fish stand.

Buti nga!

Next stop, punta naman ako sa chicken stand. Shempre, dun ako sa suki. Mabait at magaganda ang mga tindera, ligwak naman sa pwesto, kelangan ko pang tumuwad para makatingin ng mga bibilhin. Mababa kase ang lugar nila. Pero ok lang. Tinupi ko pa ang ga-plangganang payong ko, dahil natutusok ang mata ng mga katabi ko. Kalahating kilo ng pitso ang binili ko, pinahati ko na ng pag-menudo. Kasama na dun ang mga hotdogs at siomai para dagdag ulam at pansabaw. Kahit siksikan, nauna pa akong makabili sa mga nanay, na todo lapirot pa sa mga manok bago bumili. Bahala kayo dyan.

Next stop, the gulayan. Kilala din ako ng tindera, na kahit rainy season na, fresh na fresh pa rin ang face, salamat sa chin chan su at mena. At wag ka, hindi nila tinakpan ang mga talbos, kangkong, alugbati at malunggay na nasa labas, pinauulanan. Wais diba? Para lagi daw mukhang fresh ang gulay wahahahahah!

“Ate, magkano ang sitaw mo?”

“Limang piso lang, Gwapo.”

Gwapo daw, gwapo daaaaawwww!!!

Palakpak ang aking mga unat na tenga. (Yes, unat po ang tenga ko, walang tupi sa itaas na bahagi) Project ng konti, smile ng konti, dali, discount na yaaaannn!

Sa gulay store talaga ako pinakamaraming binibili. Talong, kalabasa, alugbati, sitaw, gabi, patatas, carrots, sibuyas, bawang, kamatis, kangkong, okra, sampalok, patola at luya. Gulay shopping galore itu. Nararamdaman ko nang bumibigat ang aking dala.

“Dami mong nang pinamili ah, gwapo.”

“Oo nga po eh”

Ate, tama na, blush na ako oh, see?

“Magkano lahat, ate?”

“Seventy na lang sa iyo, darling.”

“Talaga ate? Salamat po. Eto po bayad.”

Buti na lang ang fez value, epek. Diskwento ito ng otso pesos! Wahihihi.

Last stop, the sari-sari store. Para na syang maliit ng grocery. Naalala ko pa nung New Year’s Eve, nakalimutan naming ni pinsan magbayad ng pinamili. Hinabol kami ng tindera at napagkamalan pa kaming shoplifter. Kaloka diba? Anyway, for the first time, nakaramdam ako na tuyo ang tindahang pinuntahan ko. Kaya karir ng isara ng ga-plangganang binaliktad na payong. Bumili lang ako dito nga mga tomato sauce, chicharon at hibi, at umalis (shempre nagbayad muna). Pagbukas ko ng payong…

“Aray, ang payong mo naman kuya!”

“Ay, sorry ate, hindi sadya.”

Muntik nang tamaan ng payong kong ga-plangganang binaliktad sa dibdib ang ale. Basang-basa pa naman ang ale, at medyo bumabakat ang kanyang—

Plak, plak, (flash!) BBBBOOOOOMMMMMMM!

Hindi na po, hindi na po. Kung ano, ano kasi ang pinag-tititingnan eh. Ayan tuloy.

Hay, sa wakas, pwede na akong umuwi, kumpleto na lahat ng pinamili ko. Double check muna ako sa listahan at naglakad na pauwi. Andun na ako sa stree papunta sa amin. Nakita ko pa rin ang mga binatilyong naglalaro sa ulan kanina pa. Adik sa ulan? Kuya, magbanlaw na, bumabakat na…

PLAK, PLAK, PLAK (flash!) BBBBOOOOOOOOOOMMMMMMM!

Nakita kong gumuhit sa langit patungong lupa ang kidlat at sundan na isang nakakabinging kulog.

Hindi na po. Hindi na po mauulit. Kasalanan yan... Huhuhu!!

Wari ko’y matatanggal ang mga daliri ko sa bigat ng dala ko. Hindi ko rin naisip, pwede ko palang isukbit ang mga pinamili ko sa hawakan ng payong kong ga-plangganang binaliktad. At para mas madali, dalawang kamay ang nakahawak sa payong. O diba? Gusto ko sanang magpadyak, pero sayang ang sais pesos, pang Extra Joss din yun. Kaya lakad na lang. Tutal naman eh basa na ako…

Teka, bakit parang may tumutulo sa ulo ko??

Tingala ako sa payong…

MAY BUTAS ANG PAYONG!!!

Hindi ko na alintana ang tulo sa payong kong ga-plangganang binaliktad. Nagmamadali na akong naglakad, pero shempre, pa keme ng konti, baka madulas ako at sumabog ang pinamili ko sa baha! (Ala Mike Enriquez na SUSMARYOSEP!)

Pero sadyang mapagbiro ang tadhana. Unti-unti, isang rebolusyong ang nagaganap sa tiyan ko. Unti-unti akong nagmabilis ng lakad. (Pero ingat, ang poise, minus trillion Gwapo points pag nadulas!) Parang lalong lumalayo ang bahay kapag nararamdaman kong nagsususmamo nang lumabas at mga talunan sa katatapos lang na rebolusyon sa tiyan ko. Magkahalong ipit at takbo ang ginawa ko, hindi na alintana ang mga talsik ng putik sa binti ko. Duming-dumi ako sa katawan ko, pero ayos lang, malilinis naman yan sa bahay eh.

Ilang saglit pa, nakarating na ako sa bahay. Nangangaripas akong nagbukas ng gate, tumungo sa sala kasama ang maputik kong paa, naglapag ng mga pinamili sa lamesa na wala nang pakialam kung nadaganan ang mga isda at manok, at tumungo sa banyo. Pero isang nakagigimbal na katotohanan ang lumantad…

May gumagamit ng banyo!!

“Kuya, maliligo pa ako!!”

AY P****G I**!!!!!!!!! DAAAAALLLLLIIIIIAAAAANNNN MMMMMMOOOOOO!!!!!

PLAK, PLAK, PLAK (flash!) BBBBOOOOOOOOMMMMMMM!



No comments: