6.13.2007

Liwanag at Pasakit

Alas siyete na ata ng gabi, nasa clinic pa ako. Wala naman akong magawa, marami pa aasikasuhin, yung mga perang irereimburse kailangan pa kwentahin. Kwenta dito, bilang doon, lista dito, bigay doon. Kinuha ko ang checklist ko for the day. Yung mga dineliver na brochures para dun sa clinic, naihatid na, pati na yung ink na pinabibili ni boss. Resibo, mga sukli nung reimbursement, cash vouchers, lahat handa na, nakatabi nang maigi. Sa wakas, makakauwi na ak ---

BOOM! BOOM! BOOM!

“Ano yun?”

“Naku, mukhang uulan ata, may dala ka bang payong?” tanong sa akin ni Ms. Jenny

“Wala po.”

“Buti na lang may payong akong dala.” singit ni Ms. Janice, sabay kuha ng maliit nyang payong.

“Kulog ba talaga yun? Bakit parang sunud-sunod?”

“O, wala na ba kayong nakalimutan sa loob?” Tanong ni Doc Wong habang kinakandado ang pinto.

“Wala na po.”

BOOM! BOOM! BOOM!

“Tila fireworks yata yun, parang may naaninag ako sa mga bintana na maliwanag eh.” Ani Ms. Jenny

“Fireworks nga po.” Sang-ayon ako.

Naaninag ko nang nagniningning ang langit habang papalabas kami ng gusali kung saan naglalagi ang clinic. Pagbaba namin ng elevator, nagmamadali akong lumabas para masaksihan ang fireworks.

“Ano ba meron ngayon?”

“Independence Day ngayon, iho.” Sabi ni Ms. Jenny

“Oo nga pala.”

Humiwalay na ang doctor at ang mga staff ng clinic kaya naiwan kami ni Ms. Jenny na binabagtas ang hardin tungo sa gate ng hospital. Mula sa itaas ng mga puno sa hardin, kitang-kita ang mga ilaw na nagmumula sa mga fireworks. Kada siklab ng liwanag, “Wow!” lang ang lumalabas sa bibig ko.


Nagmamadali kami nina Elay at Gay na makaalis ng school. Inanyayahan ko silang manood ng Pyrolympics sa MoA, kaya heto’t halos paliparin namin ang fx makarating lang sa MoA ng maaga. Malayo pa kami sa MoA, ramdam na namin ang excitement na makakita ng fireworks. Para kaming mga batang sabik sa fireworks, kahit ng taon-taon naman naming nakikita iyon kapag sasapit ang bagong taon. Pero iba ito, kasi paligsahan, at hindi basta paligsahan, kasi iba’t ibang bansa ang magsisindi ng fireworks ngayong gabi. Huling gabi kasi ng Pyrolympics. Shempre, asahan na ang pinakamatitindi at pinakamagagarbong fireworks display na makikita namin.

Pagdating namin sa panulukan ng EDSA at Roxas Boulevard, tumambad ang hindi-mahulugang karayom na dami ng taong papunta sa MoA. Bumaba kami ng fx at tinahak ang EDSA Extension, ang nag-iisang daan patungo sa MoA.

“Huwag na tayong pumasok sa MoA, siguradong maraming tao dun.”

“Oo nga, dito na lang tayo sa may damuhan sa gilid.” Sabi ni Elay

Umupo kami ng isang sulok ng damuhan kasama ang kumpol-kumpol ng mga magkakaibigan, magkakamag-anak at mga photographers. Ako pa ang pumili ng lugar, baka daw kasi may ahas daw sa damuhan, ako daw mauna para ako unang tuklawin kung saka-sakaling mayroon nga.

Mahigit isang oras kaming naghintay.

Sumirit ang unang fireworks ng Pinas, gumuhit ito sa langit at lumikha ng pagkalaki-laking bilog ng liwanag. Nagtayuan, nagpalakpakan, naghihihiyaw at nagsisigaw ang mga tao sa paligid. Sunud-sunod na ang palabas. Walang humpay ang galak ng lahat habang pinanonood ang mga iba’t ibang nilikhang fireworks. Iba-ibang hugis, istilo ng pagpapakawala at kulay. Hindi pinagsasawaan ng mga mata namin ang mga fireworks.

Nang matapos ang fireworks display na umabot ng dalawang oras, sabi ko sa sarili ko, “Sa susunod na makanood ako ng fireworks, nakayakap ako sa magiging kasama ko.”


“Lintek na Independence Day yan. Sana kung hindi na umalis ang mga Kano sa Pinas, hindi ganito kahirap ang bansa natin!” Buong sama ng loob na sinambit ni Ms. Jenny.

Hindi ko na alintana ang mga siphayo ni Ms. Jenny. Malakas kasi ang pagsabog na kumakawala galing sa pagpapakawala sa mga paputok, parang isang kanyon na nakatutok sa dibdib ko. Masakit ang bawat tama. Hindi tumatagos, pero bumabaon.


Text…

1700H
Sya: San ka ngaun? Wat gawa mu?
Ako: Dito pa sa clinic. Inom ka na ng gamut?
Sya: Punta u d2. Mis u.
Ako: Cge po. Pro mya na po, dami ko gawa d2 eh.
Sya: Cge antay kita.

1945H
Sya: San na u?
Ako: Paalis pa lang me ng clinic. Papunta na me jan.

2000H
Sya: San u na?
Ako: Rosario
Sya: Wag na lang u punta. Bkas na lang u punta.
Ako: Ndi me pwd bkas. May reunion kami.

2040H
Sya: San na u?
Ako: Mercedes.
Sya: Tgal. Antok na me.
Ako: Pnta p b ko? Antok na pla u ndi mu agad cnabi.
Sya: Ano mlay ko gabing-gabi na u dting d2. Alam u namang gling me sa skit dba? Iba-iba tmpla ng ktwan me.
Ako: Sabi ko nga eh. Cge uwi na nga lang me.
Sya: Salamat ha.


Nakarating kami ni Ms. Jenny sa gate ng hospital.

“Cge, uwi na ako. Ingat ka.” Namaalam na si Ms. Jenny nang sumakay sya ng jeep. Nadiskubre kong malapit lang pala ang pinaglalagakan ng mga bigkis ng paputok kaya malakas ang dating nito sa akin. Parang tortyur sa halip na saya ang hatid ng mga paputok. Bawat pagsabog, bawat pagkawala, nayayanig ang buong katawan ko. Wari ko’y isang dambuhalang baril na nakatutok sa puso ko ang langit. Nakabibingi’t nakakasilaw ang pinaghalong liwanag at lakas ng paputok.


Text...

Sya: Tpatin mo nga ako, nagha2nap pa rn b u ng iba?
Ako: Ndi po. Bkit mukha ba me na nagha2nap?
Sya: Oo, kasi onlyn ka.
Ako: Si ate gmgmit ng pc, nagdo2wload ng mp3’s.
Sya: Paano me mani2wala sa u, eh online u rin sa chat.
Ako: Msama ba mgdownload hbang chat?
Sya: Bkit ka pa nagchachat? Cguro nagha2nap ka ng iba no?
Ako: Ndi ba pwde chat sa mga skulm8s?
Sya: Lu2sot ka pa. Ndi ako tanga.
Ako: Eh onlyn u rn pala, ano dinadrma u jan?


Private Message sa chat
Sya: Bakit ka onlyn?

Ilang hubad na picture nya ang nakita ko sa profile nya, kasama ng private message nya.

Ako pa pala ngayon ang naghahanap huh…


Lumalakas at tumataas ang sirit ng mga paputok. Papalaki pa at paparami ang sambulat na nasasaksihan ko. Wala akong magawa kundi tumingala at humarap sa pahirap na pinarapatarang sa akin ng kalikasan. Wala akong lakas na magbaba ng ulo, ni lumihis ng tingin, hindi ko magawa. Parang napako ako sa kinatatayuan ko. Sinasalo ng katawan ko lahat ng pwersa ng bawat pagsabog sa langit, naiipon lahat sa dibdib ko, pilit kumakawala pero hindi makalabas.


Private Message...

Sya: Don’t explain anymore useless lang. Enough na to know na hindi ka kontento sakin. Alam mo maysakit pa ko kya medyo wla ako lagi sa mood but hindi yun reason para mghanap ka ng iba. Salamat 4 your tym specialy ng nasa hospital me naappreciate ko yun. But your not contented in one. Be free. Hindi ako pang dalawahan. Don’t wori pagnagkasalubong tayo sa daan babatiin kita. Salamat talaga… Bye


Tila walang hanggan ang mga pagsambulat at pagkinang sa langit. Walang katapusan ang sakit na nararamdaman ko. Wari’y manhid na ako sa dami ng tinamong tama sa dibdib. Maya-maya'y humigit-kumulang na dalawampung kwitis ang pinakawalan. Sabay-sabay halos itong nagputukan. Parang armalite na hawak ng Diyos, puso ko pa rin ang puntirya. Hindi na kaya ng katawan ko ang magkakasunod na banat. Namatay ako.

You don't have a single idea kung ano yung mga bagay na pinaparatang mo sa akin, without even concrete evidence. You're accusing me of the things I myself despise to do. Two-timing, sex-hooker, akala mo ba magagawa ko yan? Ganun mo na ba kabisado ang pagkatao ko para ako'y husgahan mo? Ni minsan ba nagtiwala ka sa akin? Bakit mas pinili mong husgahan ako kesa pagkatiwalaan ako? Hindi ba sapat na pinagdasal ko sa Diyos, habang nasa simbahan tayo na kinagigiliwan mong pagsilbihan, na magawa ko ang lahat para mapaayos ang kalagayan mo at mapasaya ka? Why did you let your intuitions destroy us! WHY????


Isang malaking puso ang gumuhit sa langit, pagkatapos ng isang napakalakas na putok. Ito ang huli sa fireworks display ng munisipyo. Nakapagtataka, tila mas mabilis na nawala ang puso kaysa sa iba.

Sayang, kung pinili mo lang sana na pagkatiwalaan ako, kasama sana kita dito, nagsasayang magkayakap habang pinanonood ang fireworks.


May jeep na tumigil sa harap ko. Sumakay na ako. Kailangan ko nang simulan ang byahe pauwi ng bahay. Hindi ko na alintana ang isang payak na luhang tumulo sa aking mata.


No comments: