12.19.2008

Feeling Santa Claus

Hapon na at nararamdaman ko na ang paglamig ng panahon. Alas kwatro pa lang ng hapon eh basa na ng kakaibang lamig ang hangin. Disyembre na nga. Magpapasko na...

Handa na ako sa aking dapat gawing ngayong hapon. Heto at nakalatag na sa sahig lahat ng mga gagamitin ko...

Apat na piraso ng gift wrapper, iba-ibang kulay...
Gunting...
Scotch tape...
Apat na lumang kahon...
Isang napakalaking plastic ng mga pinamili galing divisoria...

Gets mo na gagawin ko?!?

Edi magbabalot ng mga regalo!

O diba, feeling Santa Claus lang ang drama. For the first time in my life, nagbabalot ako ng mga regalong ako mismo ang gumastos at namili. After 23 years of receiving gifts during Christmas, ako naman ang magreregalo, for a change.

Boring ang hapon dahil masyadong tahimik ang paligid. Kumuha ako ng isang cd mula sa cd rack at isinalang ko ito sa dvd player. Pagpindot ko ng play sa remote control, nagsimula ang tugtog. Wari'y nanghaharana ang boses ni Jose Mari Chan sa buong bahay habang umaawit ng mga kanta sa Christmas album na ito.

[My idea of a perfect Christmas, is to spend it with you...]

Isa-isa kong tinanggal ang mga tag ng mga pinamili ko at tsaka ko nilagay sa mga karton ang bawat isa. Sapat lang sa tatlong tao ang mga regalong nabili ko. Meron para kay Papa, meron para kay Ate, meron din para ka insan Peps. Apat na kahon ang kailangan dahil may karamihan ang regalo ko ke Papa. By request kasi eh. Alam nyo na, tumatanda na tatay natin, kaya go lang sa lahat ng gusto, basta keri. Tinape ako bawat karton para hindi agad mabuksan ang mga regalo. Un bang mag-e-effort muna ang makatatanggap bago makuha ang regalo.

[Whenever I see girls and boys, selling lanterns of the streets...]

Bigla akong nalungkot habang binabalot ang unang regalo.

Naalala ko pa noon, siguro mga grade 6 ako, kinanta ko ang kantang Christmas in Our Hearts sa isang bonggang-bonggang Christmas party kasama ang karamihan sa mga kamag-anak namin, maternal and paternal side. First solo performance ko yun in a crowd (30+ katao yun, kala mo ba, at napagkasya sa aming mumunting tahanan, ahihihihi). At kahit na pawisan kong natapos ang kanta, standing ovation naman, ay mali (feeling amp!), round of applause lang pala. May nga palaro, may kainan at may paregalo ang nanay ko sa mga kamag-anak, as in lahat ng kamag-anak na nadoon, lalo ang mga bata. Sama-sama kaming magbalot ng regalo, kakain ng sama-sama, magtatawanan ng sobrang lakas, bibong-bibo ang mga chikiting sa mga palaro. Galanteng-galante ang pamilya namin noon, sobra. At dahil lahat ng kamag-anak eh kalapit-bahay lang, madali lang silang maimbita sa bahay.

[Long time ago, in Bethlehem...]

Years ago pa yun, decade na nga eh. Ngayon, mag-isa na lang ako nagbabalot ng mga regalo, iilang tao na lang ang kailangan regaluhan, kami-kami na lang sa bahay ang magcecelebrate ng Pasko at ang pinakamasaklap, wala ako sa Noche Buena at maging sa Medya Noche.
Nanlulumo akong umuwi kahapon dahil pagtingin ko sa schedule namin para sa susunod na Linggo, kailangang pumasok kami ng alas onse y medya ng ika-dalawamput apat ng Disyembre at alas dose y medya ng madaling araw ng unang araw ng Enero. Kauna-unahan Pasko at Bagong Taon ito na hindi ko idadaos sa bahay. Malungkot man isipin, pero kailangan gawin, kesa mawalan tayo ng trabaho diba, mahirap ang buhay ngayon, kahit na sabihin mong may rollback ang pamasahe (make sense?!?). Ndi ko lang maimagine kung paano ang bumiyahe sa Bagong Taon na may mga paputok all over the place... scary...
[Pasko na, sinta ko, hanap-hanap kita...]

Times change talaga. Hindi na pwede ibalik yung dating party with the whole clan sa bahay. Una, halos wala nang kamag-anak na kasundo ang pamilya ko, for all reasons I may never know. Kung mayroon mang in good terms, malalayo naman sa amin. Ako naman, may trabaho na, graveyard shift pa, kaya pag-uwi ko kinaumagahan ng Pasko, siguradong pagod ako, tulog mode agad ako. At higit as lahat, wala na si Mama na laging nagpapahanda tuwing Pasko. Mula nang nagkasakit at sumakabilang-buhay ang nanay ko pitong taon na ang nakalipas, wala nang nag-aasikaso. Ang hirap talaga na ilaw ng tahanan ang nawala; lagi na lang madilim.

[Ang Disyembre ko ay malungkot...]

Kunsabagay, kung nabubuhay man si Mama ngayon, alam ko proud siya sa mga kinahinatnan naming magkapatid. Si ate, sa Singapore na nagtratrabaho, dollars na ang profit. Ako, nakapasa na rin ng Board Exam, may trabaho na rin, kumikita. Si papa, petix mode na lang sa bahay, kahit hindi na gaanong mamasada, tutal dalawa na kaming may trabaho ni ate at wala na sya pinapaaral, go lang kung ano na gawin nya. Ngayon, ako na nagbabayad ng mga bills, nagbabayad ng lupa at kung anu-ano pa (Uy, ulirang anak na hahahaha).

Ganon lang siguro talaga. Everything has a price. Maunlad nga at nakakaluwag na sa pera, nawalan naman ng oras sa pamilya.

[Ang Pasko ay kay saya kung kayo'y kapiling na...]

But then, what the heck! Sabi nga nila, Krismaskipaps. Kahit paano kailangang maicelebrate ang Pasko, sa anumang paraan. At syempre, we have to bear in mind na anuman ang kalagayan natin ngayong Pasko, dapat pa rin itong ipagdiwang hindi dahil sa saya na dulot ng mga regalong matatanggap natin, kundi dahil sa pag-asang bigay ng isang Batang isinilang sa sabsaban. Ni minsan ay hindi humingi ng regalo ang Batang yun. Pagmamahal mo lang, ayus na.

[Fall on your knees, O hear, the angel voices...]

Ayan, natapos ko na balutin lahat ng regalo, redi na idisplay sa Christmas tree, bahala na sila magbunutan dyan, lagyan ko na lang mamaya ng pangalan.

Siguro nga, kung hindi man maging masaya ang sarili kong Pasko dahil sa kaeemote ko dito sa sala, sana Pasko naman ng iba ang napasaya ko. Sa mga kantang inawit ko kasama ang koro, sa mga mumunting bagay na ginawa ko na ikabuti ng mga minamahal ko sa buhay, sa mga salita kong nagpagaan ng problema ng isang nababagabag, sa mga bagay na binigay ko ng buong puso; sana'y isang tao ang nabigyan ko ng isang makabuluhang Pasko...


Paskong Walang Hanggan
Ryan Cayabyab

Tinanong mo sakin kung ano ang gusto ko
Upang mapaligaya ang aking pasko
Bakit mo pa kaya sabihin sa akin yan
Para namang kasi hindi mo pa alam

Ang aking araw-araw ay iyo nang iniba
Mula pa noong ikaw ay aking nakilala
Pinasayaw ang ikot ng aking munting mundo
Binigyan ng dahilan ang bawat oras at minuto

Ang bawat kong pangarap iyong pinalitan
Binigyan ako ng lakas, tiyaga at tapang
Na harapin ang bawat tanong at pag-aalinlangan
Dahil alam kong ikaw ay katabi ko lamang

At sa tuwing pagsikat at paglubog ng araw
Nagsisimula at nagwawakas sa salitang ikaw
Kaya’t huwag mo nang itanong kung ano pa sa akin ay kulang
Dahil bawat araw kasama ka ay Paskong walang hanggan


Maligaya at makabuluhang Pasko sa iyo!!



No comments: