7.06.2008

Ang Binata sa Larawan

Ang ganda ng kuha ng litratong ito...

Kalikasan; dagat, kabundukan, bakawan, batuhan... ang ganda tingnan diba?

Napansin mo ang isang binatang nakaupo sa batuhan?

Sa pagnanasang maging bahagi ng isang magandang larawan, umupo ang binata sa batuhan upang makibahagi sa ganda ng kalikasan. Pero sa katotohanan, nasira ng binata ang larawan, nawaglit ang kalikasan dahil sa kanyang presensya. Ang malaparaisong litratong ito ay natintahan ng elementong dapat ay nagkukubli lamang sa likod ng kamera.

Ganyan lang ang nararamdaman ko ngayon...

Sa dami ng taong gusto kong pagmalasakitan; sa dami ng mga inaalalang mahal sa buhay; sa mga sakripisyong hindi na mabilang dahil hindi ni minsan humingi ng kapalit; sa mga pagsubok na humihirap sa paglipas ng oras; sa dami ng hinanakit na nagkukubli ng isang masahaying mukha...

Ganoon pa rin, binabalewala, mapapansin lang kung may kailangan, hindi na pinahahalagahan...

Sa kabila ng pagnanais na mabuo ang pamilya, na maitaguyod ang mga pinagsasamahan pinakakaingatan...

Isa pa rin akong aninong pilit na sasama dahil may liwanag...
Isa pa rin akong kaibigan laging malalapitan ang mahihingan na tulong...
Isa pa rin akong kapamilyang pilit sasagip ng isang paguhong tahanan...
Isa pa rin akong nobyong magmamahal ng walang pag-iimbot at ni minsa'y hindi hihingi ng kapalit...
Isa pa rin akong manggagawang magiging instrumento upang maitaguyod ang sinumpaang tungkulin...
Isa pa rin akong alagad ng Diyos na magbabahagi ng kakayanan at lakas upang maging instrumento upang makilala ng iba ang Maylalang...

Ang hiling ko lang...

Sana'y bigyan ako ng lakas ng loob ng at tatag ng puso galing sa Diyos upang harapin ang bawat pagsubok...
Nawa sa mga mumunting gawain ko'y mapamahal din ako sa mga taong mahal ko...
Kahit ilang saglit lang ay maging mahalagang elemento ako ng tahanan, pamayanan at simbahan...

Paano ko kaya kung mawala ako bigla, ganun pa rin kaya silang lahat?
At kung wala kaya ang binata sa larawan sa itaas, mas tatangkilikin kaya ang litrato?
May dahilan pa nga ba ang abang buhay ko sa lupa?

Diyos na lang ang bahalang magturo ng daan, at magbigay sa akin ng mga kasagutan...

Sa ngayon, hayaan na lang tumulo ang luha ang maghinagpis ang pusong sugatan...

At bago ko makalimutan, ako ang binata sa larawan...

No comments: