Patapos na ang araw ng Pasko.
Maraming nang namasko at nabiyayaan, marami nang ninong at ninang na naholdap ng mga inaanak, marami nang nabusog sa noche buena, marami nang nakapagbukas ng regalo sa ilalim ng Christmas tree, marami nang namaos kakakanta ng mga favorite Christmas jingles, marami nang nakaramdam ng malamig na simoy ng hangin habang patungo ng simbahan para mas Misa de Gallo. Ikaw, naging masaya ka ba ngayong Pasko?
Masaya ka ba dahil marami kang natanggap na regalo? O dahil buong puso mong naipamahagi ang mga biyayang natanggap mo?
Ilan nga ba sa ating mga Pilipino ang nakakaalam ng tunay ng diwa ng Pasko? Ito ba ang handog ng mga regalong natanggap mo o ang kasiyahan nagmumula sa puso mo dahil sa bawat kawanggawang ibinigay mo, mapasalapi o serbisyo?
Sa ikalabing-isang edisyon ng Raptusinco! ay ibabahagi ko ang lima sa mga simple ngunit makabuluhang pagdiriwang ng Pasko. Ninanais kong ipadama sa aking mga mambabasa ang tunay na kahulugan ng Pasko.
Sa Piling Mo...
Hindi kayang pantayan ang saya ng Pasko basta't magkakasama ang mag-anak sa Noche Buena. Hindi ba't napakasaya sa damdamin na muling nakaraos ang isang taong sa mag-anak na walang masamang nangyari at walang banta sa kalusugan. Pero bilib ako para sa mga mag-anak na magkakalayo sa panahon ng Kapaskuhan. Dito nasusubok ang katatagan at pagkakabuklod ng isang pamilya sa pamamagitan ng makabagong komunikasyon tulad ng cellplone at email ay magagawa nang matawid maging ang mga karagatan upang ipahatid sa ating mga minamahal ang pagbati ng okasyon. Sa panahong nagkakawatak-watak ang isang pamilya ay nagiging maintidihin ang bawat isa. Ang mahalaga, pagmamahal sa bawat miyembro ng pamilya ang mangibabaw ngayong Pasko, kapiling man natin sila o hindi.
Pinagtagumpayang Pagsubok at Pag-asa...
Sa bawat unos na dumaan sa buhay natin na ating kinaya at nalampasan, hindi ba't nakagandang regalo ang Pasko? Hindi ba't napakasayang ipagdiwang ang Pasko na alam mong napatunayan mo sa lahat na hindi ka susuko sa bawat problemang kinaharap mo ng nagdaang taon? O kung hindi pa nasusulusyunan ang isang problema, hindi ba't isang napakagandang ehemplo ang Pasko ng pag-asa? Na sa bawat pagsubok ay may nakalaan na solusyon, isang paraan na gagawin ng Diyos hindi man upang makaraos, ngunit para bigyan ka ng lakas na pasanin ito.
Tinig ng Puso ko...
Hindi lilipas ang Pasko na hindi tayo makakarinig ng mga awitin. Makarinig pa lang tayo ng tonong pamilyar, tila tumatalon na ang ating puso sa kagalakan dahil sadyang ginawa ang mga awiting upang ipahayag ang diwa ng pasko. Ito ay mga awit ng kagalakan, paghihintay, pagdiriwang at pag-ibig. Maraming mga koro ang umaawit sa atin ng mga ito hindi lamang upang tayo ay aliwin kundi upang ibaon sa ating puso ang mga bagay na meron sa Pasko na hindi nakukuha ng ating paningin, pang-amoy, pandinig, panlasa o pandamdam.
Iabot ang Kamay...
Hindi po matatawaran ang sayang hatid ng isang serbiyong totoo. Mapasalapi man o serbisyo o maliit na kasiyahan ang ating taos-pusong naibigay, hindi ba't napakagaan sa loob na makakita tayo ng mga buhay na nabago dahil sa ating mumunting paraan at sandaling pagbibigay ng oras upang makatulong. Isang simpleng ngiti o pasasalamat sa ating mga natulungan lamang ay walang kapalit na kasiyahan para sa atin hindi ba? Mapapasko man o hindi, ang pagtulong ng walang pag-iimbot ay siya dapat na isaisip, dahil ito ang magbibigay kulay sa bawat Paskong daraan sa buhay natin.
Pag-ibig na Pinagsasaluhan...
Hindi ko maitatangging isa ako sa mga biniyayaan ng pag-ibig na wagas ngayong Pasko. Hindi ko hinanap ngunit kusang dumating. Nakilala ko ang isang taong higit na nagmamahal sa akin kaysa sa pagmamahal ko sa sarili ko. Isang siyang taong handa kong saklawin ang bawat bahagi ng kanyang pagkatao; ang kanyang nakaraan, at ang mga ugali, ang mga pangarap na gusto niyang maabot. Lahat ng sandaling kaulayaw mo siya ay nagbabadya ng hindi matapos-tapos na kasiyahan at bawat sandaling hindi mo sya kasama ay mayroon kang hindi mapawi-pawing pananabik. Hindi sa lahat ng panahon ay maradama ako ang mga ganitong bagay sa buhay, na hindi maialis sa aking mukha at saya sa bawat umagang gigising ako at maiisip ko ang taong ito. Higit pa sa Pasko ang aking ipinagdiriwang dahil sa loob ng mahabang panahon ay nakadama ako ng pagmamahal na higit pa sa aking pinapangarap at inaasam. Naging higit na makulay ang aking Pasko dahil sa taong ito, at hindi kayang bayaran ng kahit na ano pa man ang aking nararamdaman.
Nagsimula ang Pasko nang isilang ating Manunubos sa isang munting sabsaban mula sa isang malayong paglalakbay. Napakasimple ngunit napakamakabuluhan. Nawa, sa ehemplong ito ng Panginoon natin madama ang tunay na diwa ng Pasko. Hindi sa mga bagay na materyal, ngunit sa mga bagay na hindi kayang palitan na kahit na ano. Hindi sa mga natanggap, ngunit sa mga taos-pusong ibinigay. Hindi sa mga gawa, kundi sa mga nadarama.
Isang makabuluhang Pasko sa lahat!!!
No comments:
Post a Comment